Muling magsasagawa ng pag-uusap ang Thailand at Cambodia upang palakasin ang ceasefire sa kanilang hangganan matapos ang madugong sagupaan.
Minadali at kulang sa detalye ang ceasefire na napagkasunduan noong Oktubre, kaya’t kailangan ng mas malinaw na bilateral talks. Magpupulong sa Miyerkules ang general border committee ng dalawang bansa upang plantsahin ang mga konkretong hakbang para sa pangmatagalang tigil-putukan.
Sa mga nagdaang linggo, nauwi sa matinding bakbakan ang alitan, kabilang ang airstrikes ng Thailand at rocket attacks ng Cambodia. Mahigit tatlong dosena ang naiulat na nasawi at higit kalahating milyong tao ang lumikas.
Nagpahayag na rin ng pagkabahala ang United States at nanawagan sa dalawang bansa na itigil ang labanan at ganap na ipatupad ang Kuala Lumpur Peace Accords. (report by Bombo Jai)














