Tumaas sa bagong rekord na P17.707 trilyon ang kabuuang utang ng pambansang pamahalaan sa pagtatapos ng taong 2025, bunsod ng paghina ng halaga ng piso at karagdagang panghihiram para sa mga proyekto at programa.
Ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of the Treasury (BTr), lumobo ng 10.32 porsyento ang utang ng gobyerno mula P16.051 trilyon noong 2024 patungong P17.707 trilyon noong 2025.
Malaking bahagi ng utang ay mula sa loob ng bansa o domestic debt, na bumubuo sa 68.4 porsyento ng kabuuang utang, habang ang natitirang 31.6 porsyento ay mula sa labas ng bansa o foreign financiers, na apektado ng pagbabago sa exchange rates at interest rates.
Nasa P12.116 trilyon ang domestic debt, samantalang nasa P5.591 trilyon naman ang external debt.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang isang ekonomista mula sa Ateneo de Manila University na nagsabing “nakakaalarma” ang sitwasyon, dahil aniya limitado na ang mga opsyon ng pamahalaan, lalo na’t nahaharap ang bansa sa mga isyu ng korapsyon.









