Punuan na ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City nitong Linggo, Agosto 23 dahil sa paglobo ng mga kaso ng leptospirosis.
Bunsod nito, pansamantalang limitado ang pagtanggap ng walk-in patients sa ospital hanggang sa maglabas ng panibagong notice.
Sa inisyung advisory ng pagamutan, nakasaad na nagbunsod sa naturang hakbang ang mataas na bilang ng mga pasyenteng dinadala sa emergency room.
Kaugnay nito, ang mga pasyente na hindi nangangailangan ng emergency admission ay inaabisuhang makipag-ugnayan sa kanilang attending physicians at kung maaari ay magtungo muna sa ibang healthcare facilities na may available na kama para maiwasan ang matagal na pagaantay.
Humingi naman ng paumanhin ang NKTI sa anumang abala.
Hindi naman nangbigay ang ospital ng eksaktong bilang ng pasyenteng tinamaan ng naturang sakit subalit ang kayang ma-accommodate ng ER nito ay hanggang 64 na pasyente.
Matatandaang sa mga nakalipas na linggo, nalubog sa baha ang maraming lugar sa bansa bunsod ng mabibigat na pag-ulang dala ng mga serye ng tumamang bagyo at habagat sa bansa.
Marami ang hindi naiwasang lumusong sa baha tulad na lamang sa Metro Manila na nakaranas ng matitinding pagbaha.
Samantala, muling nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) sa publiko na protektahan ang sarili mula sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng bota kung hindi maiwasang lumusong sa tubig-baha, agad hugasan ang paa ng malinis na tubig at sabon at iwasang malantad sa baha hanggang maaari kapag mayroong sugat.
Pinapayuhan din ang publiko na magpakonsulta muna sa doktor bago uminom ng gamot para sa leptospirosis.















