Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na gawing pangunahing prayoridad ang kaligtasan sa kalsada kasabay ng paggunita sa World Day of Remembrance for Road Traffic Victims.
Hinikayat ng ahensya ang lahat na alalahanin ang mga buhay na maagang nawala dahil sa mga aksidente sa daan at ipanalangin ang mga pamilyang naulila ng mga biktima.
Binigyang-diin nito na ang mga insidente ng road crash ay maiiwasan kung ang bawat motorista at pedestrian ay magiging disiplinado at susunod sa mga batas-trapiko.
Iginiit din ng ahensya na hindi na dapat hayaang madagdagan pa ang bilang ng mga nasasawi at nasusugatan dahil sa kapabayaan sa pagmamaneho at kawalan ng pag-iingat sa kalsada.
Ipinaalala ng DOH na ang kaligtasan sa lansangan ay isang sama-samang responsibilidad ng gobyerno, mga tsuper, at ng bawat mamamayan upang maprotektahan ang buhay ng lahat.














