Pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang suspensiyon nang walang sahod laban kay Dalaguete, Cebu Mayor Ronald Allan G. Cesante at limang iba pang opisyal dahil sa matinding pagpapabaya sa tungkulin o Gross Neglect of Duty.
May kaugnayan ito sa iregularidad sa pagtatayo ng municipal warehouse sa isang pribadong pag-aari na lupa.
Sa inilabas na Consolidated Order, ibinasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration ng mga opisyal at pinanatili ang naunang desisyon noong Agosto 29, 2025.
Kabilang sa mga sinuspinde ang Municipal Assessor na si Edmund M. Centeno, Budget Officer na si Brenda S. Vergara, at tatlong miyembro ng Bids and Awards Committee.
Ayon sa Ombudsman, hindi sapat ang permit na ginamit ng mga opisyal upang pahintulutan ang munisipalidad na pasukin at tayuan ng warehouse ang nasabing lote. Nabigo rin silang tiyakin kung may legal na awtoridad ang kinatawan ng mga may-ari ng lupa na magbigay ng naturang pahintulot.
Binigyang-diin ng ahensya na dapat munang tiyakin ng mga opisyal ang legalidad at pagkakumpleto ng mga dokumento bago ipagpatuloy ang procurement at konstruksyon ng proyekto.















