Inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang lalo pang paghihigpit sa isinasagawang lifestyle check sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.
Ginawa ni Remulla ang pahayag sa kaniyang pagdalo sa Town Hall Meeting ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa Taguig, ngayong araw, Nov. 14.
Ito ay kasabay ng panunumpa sa tungkulin ng mga bagong talagang commissioner ng BOC at BIR.
Paliwanag ng Ombudsman, layunin ng lifestyle check na protektahan ang buwis ng bayan at ang mga negosyanteng posibleng naaapektuhan o biktima ng mga ilegal na gawain.
Ayon sa Tanodbayan, may mga natatanggap siyang ulat na may mga tauhan ng dalawang kawanihan na naniningil ng malalaking halaga ng buwis sa mga negosyante.
Gayonpaman, hindi umano nagbibigay ang mga naturang personnel ng akmang resibo sa mga sinisingil na negosyante.
Binigyang-diin ng opisyal na anumang transaksyon sa gobyerno ay dapat may resibo at kung walang maipakita ang sinumang gumagawa nito ay maituturing na bilang korapsyon.
















