-- Advertisements --

Naniniwala ang House prosecution panel na panahon na upang malaman ng publiko ang kahihinatnan ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, matapos ang ilang taong imbestigasyon at mga prosesong isinagawa ng Kongreso kaugnay ng mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Sa press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 13, sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na nararapat lamang na masaksihan ng publiko ang magiging resulta ng impeachment process.

Ayon kay Luistro, matagal nang sinusubaybayan ng publiko ang mga imbestigasyon at paglilitis na may kaugnayan sa mga alegasyon laban kay Duterte kaya panahon na upang magkaroon ng malinaw na konklusyon ang naturang proseso.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi lamang ang magkabilang panig ang dapat makaalam sa magiging resulta ng paglilitis kundi maging ang sambayanang Pilipino na matagal nang naghihintay sa kahihinatnan ng kaso.

“We deserve a conclusion after years of congressional investigations and impeachment proceedings. It’s about time we let the people witness the result of this impeachment process,” pahayag ni Luistro.

Nauna nang sinabi ni Luistro na nais nilang magkaroon ng desisyon ang Senate Impeachment Court bago mag-Pasko, anuman ang maging resulta nito.

Sa kasalukuyan, nakasentro na lamang ang paglilitis sa Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi pagdedeklara ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa mga interes sa negosyo ni Duterte.

Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 19 matapos ang pansamantalang paghinto ng mga pagdinig kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.