-- Advertisements --

Tatlong Vietnamese nationals ang inaresto ng mga pulis kasunod ng pagsagawa umano ng mga ito ng mga medical practice nang walang lisensya sa Brgy. Merville, Parañaque City nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), inaresto ang mga naturang indibidwal ana kinikilala bilang ‘Dr. Wang,’ 31 taong gulang, ‘Dr. Cong,’ 31 taong gulang, at ‘Dr. Fing,’ 29 taong gulang, matapos magpanggang ang isang tauhan ng PNP-CIDG bilang isang pasyente.

Batay sa puliysa, matagal nang nasa ilalim na ng police surveillance ang tatlong Vietnamese nationals kasunod ng reklamo ng isang concerned citizen sa umano’y panggagamot ng mga ito at pagsasagawa ng mga operasyon nang walang anumang kaugnay na lisensiya o legal na awtoridad.

Nakipag-ugnayan din ang kapulisan sa Professional Regulation Commission kung saan natuklasang walang board o commission resolution ang tatlong Vietnamese nationals na nagpapahintulot sa mga ito na magsagawa ng mga prosesong pang-medikal sa bansa.

Narekober sa operasyon ang 13 kategorya ng ebidensiya, kabilang ang entrapment money, isang stainless-steel plate kasama ang ilang surgical instruments, isang surgical laser machine, electric suction apparatus, medical headlight, surgical threads, assorted surgical syringes, surgical needles, isang kahon ng anaesthesia, surgical blades, disposable insulin syringes, surgical cotton, at ilang cellphone.

Sasampahan naman ang tatlo ng kasong paglabag sa Republic Act 2382 o ang Medical Act, kaugnay sa Section 6 ng Republiuc Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Samantala, iginiit naman ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr ang kahalagahan ng propesyunal na pamantayan at ang tungkulin nitong protektahan ang publiko.

Dagdag pa nito, susugpuin aniya ng kapulisan ang sinumang nananamantala at nagbabalewala sa mga naturang panuntunan.

“Professional standards exist to protect the public and anyone who disregards these requirements must be held accountable. We will pursue those who exploit public trust and put people’s lives at risk,” saad ni Nartatez.