Mula sa naunang deadline na nakatakda sana nitong Linggo, inurong ng National Telecommunications Commission ang deadline sa pag-shut down ng traditional analog television broadcasts sa Mega Manila sa darating na January 15, 2027.
Batay sa memorandum order na inilabas ng NTC, nagpasiya itong palawigin ang deadline upang mabigyan nang sapat na oras ang mga kumpanyang magbigay ng impormasyon sa publiko para makapaghanda sa transisyon at siguraduhing batid ng bawat kabahayan ang analog shut-off schedule.
Ayon pa rito, kailangan anila iusad ang deadline para maipagpatuloy ng mga ito ang pagpapalabas ng public service announcements ukol sa pagsasara ng analog TV broadcast.
Samantala, inatasan naman ng komisyon ang mga TV broadcast stations sa National Capital Region, maging sa mga karatig-probinsya na ipagpatuloy ang kanilang operasyon ng analog TV broadcasts at ang pagpapalabas ng mga public advisories hinggil sa transisyon tungong digital TV at ang pagpapaigting ng kanilang pag-abiso sa pamamagitan ng radyo, social media, at dyaryo.















