Kinuwestiyon ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ang paraan ng pagtatanggol o trial strategy ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Ayon kay Luistro, hindi direktang nasagot ng depensa ang alegasyon tungkol sa P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Sinabi ni Luistro na may dalawang posibleng dahilan: maaaring kulang sa kakayahan ang defense team o sadyang mahirap ipagtanggol ang kaso.
Kinuwestiyon din niya ang mga testigong iniharap ng depensa dahil umano hindi direktang sinasagot ng kanilang testimonya ang pangunahing alegasyon.
Nauna nang naghain ang prosekusyon ng mga rekord sa bangko, dokumento ng mga korporasyon at pagsusuri ng mga accountant bilang ebidensya.
Sa ngayon, ang Article II tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitirang usapin sa impeachment trial matapos bawiin ang tatlong iba pang artikulo.
Patuloy naman ang paghahain ng ebidensya ng kampo ni Duterte upang kontrahin ang mga alegasyon. Inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa Disyembre 1,2026.














