-- Advertisements --

Nanawagan si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa Kongreso na pabilisin ang pagpasa ng panukalang batas na maglilimita sa mataas na bayarin sa perang ipinapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa kanilang pamilya.

Ayon kay Yamsuan, malaking tulong ang pagbaba ng remittance fees upang mas maraming pera ang makarating sa mga pamilya ng OFW, lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Batay sa ulat ng World Bank, umaabot sa 6.36% ang karaniwang bayarin sa pagpapadala ng pera sa buong mundo. Mas mataas naman ito sa mga bangko na may average na 14.99%.

Inihain ni Yamsuan ang House Bill No. 8615 o OFWs Remittance Protection Act, na naglalayong magtakda ng mas mababang bayarin at pigilan ang mga nakatagong singil sa mga remittance service provider.

Inaatasan din ng panukala ang Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Migrant Workers na pangasiwaan ang mga bayarin. May nakalaang parusa rin sa mga lalabag, kabilang ang pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P750,000.

Hinimok ni Yamsuan ang mga kapwa mambabatas na agad ipasa ang panukala. Kasama rin dito ang libreng edukasyong pinansyal para sa mga OFW at kanilang pamilya upang mapangalagaan ang kanilang pinaghirapang pera.