-- Advertisements --

Ipinahayag ni Executive Secretary Ralph Recto ang pasasalamat sa lahat ng ahensya, katuwang at boluntaryong tumulong sa matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Recto, hindi lamang matagumpay na mga pagpupulong ang mahalaga kundi ang konkretong benepisyong maidudulot nito sa mga Pilipino, kabilang ang seguridad sa pagkain at enerhiya, digital infrastructure, at kooperasyon sa karagatan.

Kabilang din sa mga resulta ng summit ang pagtatatag ng dalawang bagong ASEAN centers para sa creative industries at maritime cooperation. 

Inaasahang makatutulong ang mga ito sa pagpapaunlad ng mga bagong negosyo at pagpapalakas ng ugnayan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Sinabi rin ni Recto na ilan na lamang sa kabuuang 556 pulong na nakatakda sa pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ang kailangang tapusin, kasama ang pagsasaayos ng mga dokumento at pagtupad sa mga napagkasunduan.

Binigyang-diin niya na hindi dapat matapos sa mga pagpupulong at seremonya ang tagumpay ng summit. 

Mahalaga umanong maisalin sa konkretong programa at aksyon ang mga napagkasunduan upang direktang makinabang ang mga mamamayan.