Walang sasayangin na oras ang Gilas Pilipinas at agad silang mag-eensayo pagdating ng Malaysia.
Nasa Malaysia na ang Gilas para sa paghahanda sa Fifth Window ng FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.
Karamihan sa mga Gilas players ang sabay-sabay na nagtungo sa Malaysia mula sa Pilipinas na kinabibilangan nina Kai Sotto, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, Cjay Perez, Troy Rosario, Chris Newsome, at Juan Gomez de Liano.
Habang dumiretso na mula sa Japan sina AJ Edu, Mike Phillips, at Quentin Millora-Brown.
Sa mga susunod na araw ay sasali si Beannie Boatwright dahil may ilang commitments pa ito sa kaniyang Chinese ballclub.
Naniniwala si Gilas coach Tim Cone na sapat ang anim na araw para sa ensayo kung saan inaasahan nito na makakabisado ni Boatwright ang sistema ng laro.
Unang makakaharap ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 habang ang Iran ay sa darating na Nobyembre 29.














