Isinalba ng batikang forward na si Jaden McDaniels ang Minnesota Timberwolves mula sa gitgitang matchup laban sa Portland Trail Blazers.
Naging mahigpit ang laban ng dalawang koponan kung saan sa unang quarter ay tinambakan ng Wolves ang Blazers ng 12 points, 29-17.
Agad namang bumawi ang Portland sa ikalawang quarter at ibinuhos ang 31 points kontra sa 20 points lamang ng Wolves, daan upang dalhin ang score sa 49-48, pabor pa rin sa Minnesota.
Sa pagtatapos ng 3rd quarter, naitabla na ng Portland ang laban sa score na 79.
Naging gitgitan pa ang match ng dalawa hanggang sa sampung segundo lamang bago matapos ang laban, hawak ng Portland ang 1-point lead, 105-104.
Gayonpaman, pinilit ni McDaniels na ipasok ang isang layup, 2.5 seconds bago matapos ang regulation – daan upang dalhin ang score sa 106-105.
Hindi na nakabawi pa ang Blazers sa nalalabing halos tatlong segundo at dinanas ang 1-point loss, 106-105 – ang ikalimang pagkatalo ng koponan ngayong season.
Sa kabuuan, kumamada si McDaniels ng 22 points, limang rebounds, at apat na assists. Nagbulsa rin siya ng tatlong steal at isang block.
Nagbuhos naman ng game-high na 30 points si Wolves guard Ayo Dosunmu at nagawang ipasok ang pitong 3-pointers mula sa 11 kaniyang pinakawalan.
Sa pagkatalo ng Blazers, nasayang ang 25 points ng batikang guard na si Damian Lillard, kasama ang 23 points ng reserve na si Jrue Holiday.
Kasalukuyang nasa 11-4 win-loss record ang winning team na Minnesota.














