-- Advertisements --

Hinamon ng House prosecution team ang kampo ni Vice President Sara Duterte na direktang sagutin ang mga dokumentong nagpapakita umano ng halos P818 milyon na hindi maipaliwanag na yaman.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nakabatay ang mga natuklasan sa pagsusuri ng mga opisyal na dokumento mula sa BIR, mga bank record at transaksyon ng mga kumpanyang may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Manases Carpio.

Batay sa pagsusuri ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera, umabot sa P817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman at hindi idineklarang ari-arian ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.

Kabilang sa mga kinuwestiyon ang kawalan ng idineklarang pera sa bank account sa SALN ni Duterte, kahit may nakitang malaking balanse umano sa kanyang bank records.

Sinabi ni Adiong na hindi sapat ang testimonya ng mga testigo upang pabulaanan ang mga dokumentong iniharap ng prosekusyon.

Magpapatuloy ang pagdinig sa impeachment case sa Senado sa December 1,2026.

Wala pang pinal na desisyon ang Senado kung sapat ang mga ebidensiya upang patunayan ang mga alegasyon laban kay VP Duterte.

“Pag dokumento po ang nagsasalita, hindi po yan maaaring magsinungaling,” pahayag ni Rep. Adiong.