-- Advertisements --

Suportado ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) ang panukala ng Pilipinas na magtatag ng ASEAN Artificial Intelligence (AI) Center upang palakasin ang pagtutulungan ng mga bansa sa paggamit at regulasyon ng AI.

Layunin nitong matugunan ang epekto ng AI sa trabaho, ekonomiya, cybersecurity at pang-araw-araw na buhay.

Ayon kay Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, mahalagang magtulungan ang mga bansang kasapi ng ASEAN upang mas maunawaan ang mga benepisyo at panganib ng AI, lalo na sa mga manggagawa, maliliit na negosyo at migrant workers.

Nanawagan naman si Malaysian House Speaker Johari bin Abdul sa mga unibersidad at eksperto na aktibong tumulong sa pamahalaan sa pagbuo ng mga patakaran at solusyon kaugnay ng mabilis na pag-unlad ng AI.

Sa kanilang pinagtibay na resolusyon, hinikayat ng AIPA ang pagbuo ng mas matibay na batas para matiyak ang ligtas, patas at responsableng paggamit ng AI, kabilang ang proteksyon sa privacy, seguridad at karapatan ng publiko.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagsasanay sa mga manggagawa at pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa AI. Layunin din nitong maiwasan ang diskriminasyon at pang-aabuso, lalo na laban sa kababaihan at mga bata.

Samantala, hinikayat ng mga mambabatas ang pagsasama ng AI literacy, digital safety at media literacy sa mga programang pang-edukasyon upang mas maging handa ang kabataan sa mga oportunidad at panganib na dulot ng makabagong teknolohiya.