-- Advertisements --

Nagkasundo ang mga miyembrong parliyamento ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) na palakasin ang pagtutulungan sa seguridad, ekonomiya at kapakanan ng mahigit 680 milyong mamamayan sa Timog-Silangang Asya.

Ito ay nakapaloob sa Joint Communiqué na pinagtibay sa pagtatapos ng 47th AIPA General Assembly sa Maynila, sa pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Kabilang sa mga pangunahing isyung tinalakay ang seguridad sa karagatan, cybercrime, ilegal na droga, pagtaas ng presyo ng pagkain, artificial intelligence (AI) at proteksyon sa mga migrant worker.

Binigyang-diin din ng mga mambabatas ang kahalagahan ng pagsunod sa international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at mas mahigpit na pagtutulungan laban sa mga krimeng tumatawid sa hangganan ng mga bansa.

Sa usaping pang-ekonomiya, sinuportahan nila ang pagpapalakas ng suplay ng pagkain, agrikultura, seguridad sa enerhiya at kalakalan sa rehiyon.

Nanawagan din ang AIPA ng mas matibay na proteksyon para sa mga migrant worker laban sa panloloko sa recruitment at human trafficking, gayundin ng mas maayos na access sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Binigyang-pansin din ang kaligtasan ng mga bata at kabataan laban sa panganib sa internet.

Samantala, kinilala ang Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng AIPA, habang binigyan naman ng observer status ang mga parliyamento ng Serbia at Spain.

Nagtapos ang pagpupulong sa pormal na paglilipat ng pamumuno ng AIPA mula sa Pilipinas patungong Singapore, na magho-host ng ika-48 General Assembly sa 2027, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng organisasyon.