Kinilala ng Philippine National Police ang serbisyo at sakripisyo ng mga pulis na nagsilbi at nagbantay sa kabuuan ng ika-49 na summit ng ASEAN.
Maalalang mahigit 23,000 na pulis ang ikinalat sa buong National Capital Region sa kabuuan ng summit upang magsilbi sa iba’t-ibang kapasidad.
Maliban sa mga pulis mula sa capital region, naging bahagi rin ng deployed team ang mga pulis na nagmula sa iba’t-ibang mga Police Regional Office tulad ng Central Luzon, CALABARZON, Ilocos Region, at Cordillera.
Pinuri ng National Capital Region Police Office ang kanilang sakripisyo, araw-araw na pagkakadeploy sa ground, at pagiging propesyunal sa pagtugon sa anumang isyu sa kabuuan ng international event.
Pinasalamatan din ni NCRPO Acting Regional Director PBGEN Christopher Abrahano ang mga pulis dahil sa kanilang dedikasyon na magsilbi sa bansa para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
Ayon kay Abrahano, naging maayos ang seguridad dahil sa disiplina, kahandaan, propesyunalismo, at pagtutulungan ng pulisya at force multipliers.
Napanatili aniya ang kaayusan sa kabila ng mga demonstrasyon at pagtitipon, habang iginagalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pag-titipon.















