Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bagong opisyal ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at tiniyak ang patuloy na proteksyon sa mga mamamahayag bilang bahagi ng pagpapatibay ng demokrasya.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng media sa paghahatid ng tama at responsableng impormasyon, habang kinilala ang panganib at banta na kinahaharap ng mga mamamahayag.
“Hindi madaling magtanong, mag-ulat, at maglahad ng katotohanan—lalo na kung may panganib na kaakibat ito,” wika ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Upang mas maprotektahan ang media, nakipag-ugnayan ang Presidential Task Force on Media Security sa NBI at Public Attorney’s Office para sa mas epektibong seguridad at legal na tulong.
Hinihikayat din ng Pangulo ang media na makibahagi sa paglaban sa misinformation at disinformation, kasama ang pamahalaan at mga tech company tulad ng Google at Meta.
Inilunsad din ng PCO ang “Oplan Kontra Fake News,” isang rapid-response system laban sa pekeng impormasyon.
Binanggit din ni Pang. Marcos ang kahalagahan ng transparency at makabagong teknolohiya gaya ng satellites at drones para bantayan ang mga proyekto ng gobyerno.
Pinayuhan ng Pangulo ang bagong liderato ng KBP na ipagpatuloy ang inobasyon sa broadcasting at itaguyod ang mga halagang independensya, responsibilidad, at serbisyo sa mamamayan.
















