-- Advertisements --

Hiniling ng 20 senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklara ang mga lugar na apektado o nanganganib sa epekto ng Super El Niño bilang mga lugar na nasa ilalim ng calamity declaration upang mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng matinding tagtuyot.

Nakapaloob ang panawagan sa Proposed Senate Resolution No. 765, na humihimok sa Pangulo na kumilos kasunod ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa umiiral na napakalakas na El Niño sa Tropical Pacific.

Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Senate President Win Gatchalian, Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III, at mga senador na sina Kiko Pangilinan, Imee Marcos, Robin Padilla, Migz Zubiri, Bam Aquino, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Lito Lapid, Joel Villanueva, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Ping Lacson, Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bong Go, Camille Villar at Mark Villar.

Binigyang-diin ng mga mambabatas ang pangangailangang makapaghanda ang pamahalaan bago pa lumala ang epekto ng naturang weather phenomenon, partikular sa mga komunidad na posibleng makaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig at pinsala sa agrikultura.

Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA noong Nobyembre 4, kasalukuyang umiiral ang Very Strong El Niño sa Tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027. Posible rin itong umabot sa pinakamalakas na antas bago matapos ang 2026.

Nagbabala ang weather bureau na tataas ang posibilidad ng kakulangan sa ulan, na maaaring magdulot ng dry spell at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa. Inaasahan ding mas mababa sa normal ang pag-ulan sa malaking bahagi ng Pilipinas ngayong Nobyembre.

Matatandaang nagdudulot ang El Niño ng mas mainit at tuyong kondisyon ng panahon dahil sa pagbabago ng temperatura ng karagatan sa Tropical Pacific. Maaari itong makaapekto sa mga pananim, suplay ng tubig, produksyon ng kuryente at kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa kabila nito, nilinaw ng PAGASA na posible pa ring magkaroon ng malalakas na pag-ulan dahil sa mga bagyo at iba pang weather systems.

Sa pamamagitan ng resolusyon, hinihimok ng mga senador ang administrasyon na maagap na magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga komunidad at sektor na posibleng pinakamalubhang maapektuhan ng Super El Niño.