Isinusulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang agarang pagsasabatas ng panukalang magbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na makakuha ng mga kontrata mula sa pamahalaan.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahang maisabatas sa lalong madaling panahon ang Senate Bill No. 1962 o ang Government Contracting and Procurement Integrity Act upang matiyak na napupunta sa mga programang pakikinabangan ng publiko ang pera ng bayan.
Ayon sa senador, hindi dapat mapunta sa mga kamag-anak ng mga nasa kapangyarihan ang mga oportunidad na pinopondohan ng taumbayan.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring makakuha ng government contracts ang mga kamag-anak ng mga saklaw na opisyal hanggang fourth civil degree of consanguinity or affinity.
Kabilang dito ang mga magulang, anak, kapatid, lolo at lola, apo, tiyuhin, tiyahin, pamangkin at first cousins, pati ang kanilang mga katumbas na kamag-anak sa pamamagitan ng kasal.
Saklaw ng panukala ang iba’t ibang kontrata ng pamahalaan, kabilang ang pagbili ng mga kagamitan at serbisyo, gayundin ang mga proyektong pang-imprastraktura at iba pang kasunduang pinopondohan ng gobyerno.
Layunin nitong pigilan ang paggamit ng posisyon at impluwensiya ng mga opisyal upang magkaroon ng hindi patas na kalamangan sa pagkuha ng mga kontrata ng pamahalaan.
Matatandaang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1962 noong Setyembre 2, 2026, sa botong 15-0.
Gayunman, hindi pa ito ganap na batas at kailangan pang dumaan sa mga susunod na hakbang sa proseso ng pagsasabatas bago ito tuluyang maipatupad.













