Nais ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III na magkaroon ng malinaw na panuntunan para matugunan ang matagal at walang awtorisasyong pagliban ng mga senador sa kanilang mga tungkulin.
Ito ay matapos ihain ni Sotto ang Senate Resolution No. 751 na humihiling sa Senate Committee on Rules na repasuhin ang mga umiiral na patakaran at magrekomenda ng mga hakbang upang matugunan ang prolonged unauthorized absences ng mga miyembro ng Senado.
Sa resolusyon, binigyang-diin ni Sotto na ang paghawak ng pampublikong posisyon ay isang tiwala na ipinagkaloob ng mamamayan, kaya nararapat lamang na maging responsable ang mga halal na opisyal at gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Ayon sa resolusyon, nagiging problema ang matagal na pagliban dahil maaaring hindi na makalahok ang isang senador sa mahahalagang gawain ng Senado.
Binanggit din sa panukala ang mga reklamong inihain laban sa ilang senador dahil sa kanilang pagliban, ngunit wala umanong malinaw na probisyon sa Senate Rules kung paano ito dapat tugunan.
Dahil dito, nais ni Sotto na magkaroon ng mas malinaw na mekanismo upang matiyak na mananatiling accountable ang mga senador sa kanilang mga responsibilidad bilang mga kinatawan ng taumbayan.















