Nagsumite ng kanyang pagbibitiw sa pwesto si Spain Transport Minister Óscar Puente anim na araw matapos ang salpukan ng dalawang mabilis na tren sa bayan ng Urda na nag-iwan ng hindi bababa sa 69 na patay at marami pang sugatan.
Inihayag ni Puente ang kanyang desisyon sa harap ng Kongreso matapos bigyang-diin na hindi na nararapat manatili sa tungkulin ang isang ministro kasunod ng dalawang matinding aksidente sa riles sa loob lamang ng isang taon.
Naganap ang trahedya noong Oktubre 28 nang sumalpok mula sa likod ang isang tren ng Renfe sa nakahintong tren ng Iryo dahil sa problema sa automatic signalling system at mga umano’y pagkakamali sa komunikasyon sa control centre.
Bukod sa pagbaba bilang ministro, inalis din ni Puente ang kanyang pangalan sa listahan ng mga kandidato para sa nakatakdang maagang pangkalahatang halalan sa Nobyembre 29 sa gitna ng panawagan ng oposisyon na magkaroon ng pananagutan.
Pinuri naman ni Prime Minister Pedro Sánchez ang desisyon ng opisyal at sinabing ang pagbibitiw nito ay batay sa sariling pagkusa, delicadeza, at respeto sa mga biktima.
Ang naturang aksidente ay itinuturing na isa sa pinakamatinding trahedya sa riles sa makabagong kasaysayan ng Europa na nagdulot ng malaking krisis sa tiwala ng publiko sa seguridad ng high-speed rail system sa Espanya.















