-- Advertisements --

Nilinaw ni Police Colonel Allen Rae Co, hepe ng Public Information Office ng Philippine National Police (PNP), na luma na at mahigit tatlong taon nang kuha ang larawang kumalat sa social media na nagpapakita kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kasama ang ilang indibidwal sa isang sementeryo.

Ang paglilinaw ay kasunod ng pagkalat ng larawan sa social media ngayong Undas, na nagdulot ng espekulasyon na muling nakita ang senador sa Digos City, Davao del Sur, sa gitna ng patuloy na paghahanap sa kanya ng mga awtoridad.

Matatandaan na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Nag-alok din ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P50-milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa kinaroroonan ng senador at magbibigay-daan sa kanyang pagkakaaresto.

Sa ngayon, hindi pa rin natutunton ng mga Pulisya ang kinaroroonan ng senador.