-- Advertisements --

Arestado ang dalawang indibidwal na kabilang sa Regional Top 10 Most Wanted Persons ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Metro Manila nitong Nobyembre 1.

Kapwa matagal nang pinaghahanap ang mga suspek dahil sa mga kasong robbery at rape.

Sa Pasay City, naaresto ang isang 35-anyos na lalaki na nakapuwesto sa ika-10 sa listahan ng regional most wanted persons.

Samantala, naaresto rin sa Valenzuela City ang isang 43-anyos na construction worker na kabilang sa ika-6 na puwesto ng NCRPO Regional Most Wanted Persons list.

Dinala ang dalawang suspek sa kani-kanilang police station para sa dokumentasyon at kaukulang custodial procedures habang hinihintay ang susunod na proseso ng korte.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., patunay ang mga pagkakaaresto na patuloy na hinahabol ng pulisya ang mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest, gaano man katagal silang nakaiwas sa pagdakip.

Binigyang-diin ni Nartatez na hindi nawawala ang bisa ng warrant dahil lamang sa paglipas ng panahon at patuloy na tutugunan ng pulisya ang mga kautusan ng korte.

Bahagi ang mga operasyon ng Focused Agenda ng PNP, partikular ang Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong palakasin ang koordinasyon at intelligence-driven police operations.

Patuloy namang nakatuon ang PNP sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.