-- Advertisements --

Sisilipin ni Senador JV Ejercito ang posibleng kakulangan sa mga umiiral na batas at regulasyon kaugnay ng insidente ng mga patay na hayop na natagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan, na iniulat na may kaugnayan sa isang pet crematorium sa Bacoor City, Cavite.

Sa kanyang pahayag nitong Nobyembre 2, iginiit ni Ejercito na hindi dapat ituring na basta mga alaga lamang ang mga hayop dahil bahagi na rin ang mga ito ng pamilya.

Binigyang-diin ng senador na nararapat lamang na mabigyan ang mga alagang hayop ng wastong pangangalaga, proteksiyon at paggalang, maging sa kanilang huling hantungan.

Bilang tugon sa insidente, sinabi ni Ejercito na titingnan ng Senado ang usapin sa pamamagitan ng legislative inquiry upang matukoy kung anong mga kakulangan sa batas ang kailangang tugunan at kung anong mga hakbang ang maaaring palakasin.

Layunin nitong maiwasang maulit ang kahalintulad na insidente at matiyak na mapangangalagaan ang kapakanan ng mga alagang hayop, lalo na sa mga serbisyong may kinalaman sa kanilang mga labi matapos mamatay.