-- Advertisements --

Tiniyak ng National Bureau of Investigation na kanilang sasampahan ng kaso ang mga responsable sa panloloko at kontrobersyal na ‘pet crematorium’ sa Cavite.

Ayon sa opisyal na pahayag ni NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, makaseseguro umanong kakasuhan nila ang mga ito nang naaayon sa makakalap na ebidensya.

Ito’y alinsunod nang kanyang ipag-utos sa kawanihan na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon patungkol sa naturang kaso.

Kanyang pinaiimbestigaham ang mga natanggap na ulat at mga reklamo laban sa isang ‘pet crematorium’ na matatagpuan sa Bacoor City, Cavite.

Kaugnay ito nang matuklasan at madiskubre ang pagkakabandona sa 29-na labi ng mga hayop sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Bilang isang pet lover din, nakikiramay aniya siya sa mga nabiktima ng mapanlinlang na gawain kaya’t iginiit na hindi katanggap-tanggap ang panlolokong sinapit ng mga ‘pet owners’.

Sa halip raw kasi magkaroon ng maayos na cremation buhat magtiwala ang mga ito gamit ang perang pinaghirapan, sinuklian ng hindi maganda nang itapon parang basura ang mga hayop.

Kaya’t tutukuyin ng kawanihan kung maari bang maharap sa reklamong ‘estafa’ ang mga nasa likod ng maling gawain.

Hinimok naman ng direktor ang mga ‘pet owners’ na makipagtulungan sa kanila, lumapit at isumite sa NBI Headquarters ang mga resibo, cremation certificate at iba pa na makatutulong sa pagbuo ng kaso.

Ganito rin ang panawagan ni Bacoor City Mayor Strike Revilla sa mga biktima nang sa gayon aniya’y tuluyang makapagsampa ng kaukulang kaso kontra mga sangkot sa panloloko.

Nauna nang ibinahagi ng alkalde na kanya nang ipinasara at ipinatigil ang operasyon ng nasasangkot na ‘pet crematorium’ sa Bacoor, Cavite habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.