-- Advertisements --

Patuloy ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t-ibang sementeryo sa bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.

Umabot na sa 40,740,246 ang naitalang bumisita sa 5,311 sementeryo, memorial parks, at columbaria sa buong Pilipinas mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, ayon sa nationwide monitoring report ng PNP hanggang alas-6:00 ng umaga noong Nobyembre 2.

Sa kabila ng dami ng mga dumadalaw, nananatiling nakatalaga ang mga pulis sa iba’t ibang lugar upang tumulong sa crowd management, magbigay ng seguridad, at umaksyon sa mga posibleng insidente.

Dagdag pa ng ahensya 6,499 na ipinagbabawal na kagamitan ang nakumpiska sa buong bansa. Kabilang dito ang mga matutulis na armas, alak, lighter, sigarilyo, vape products, kagamitan sa pagluluto, at mga nasusunog na materyales.

Hinimok naman ni Nartatez ang publiko na manatiling mapagmatyag, pangalagaan ang kanilang mga gamit, bantayan ang mga bata, at sumunod sa mga patakaran sa loob ng mga sementeryo.

Binigyang-diin ng PNP na hindi lamang pagpapanatili ng kaayusan ang kanilang tungkulin kundi ang matiyak na ligtas at maayos na makapagdaraos ng paggunita ang bawat pamilyang Pilipino.