-- Advertisements --

Nanawagan ang isang mambabatas na dapat mahigpit mabantayan ang Pambansang Budget upang may magamit lalo na pag’ may krisis, sakuna, at banta tulad ng Super El Niño.

Kasabay nito’y ipinanawagan din ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang tuluyang pagsasabatas ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o (CADENA) Act.

“Bantay-sarado dapat lagi ang Pambansang Budget, para may magamit lalo na ‘pag may krisis, sakuna at banta tulad ng Super El Niño,” ani ML Party-list Rep. De Lima.

Nakiisa ang naturang mambabatas sa layon na agad itong maipasa bilang batas at hindi na matengga o mabinbin pa.

“Wag nang itengga: CADENA ACT, ISABATAS!,” dagdag pa ni Rep. De Lima.

Magugunitang noong Disyembre 2025 ay inihain ng mambabatas ang House Bill No. 6898 bilang ‘counterpart’ sa Senate Bill No. 1506 ni Sen. Bam Aquino.

Layon sa nabanggit na panukala na matiyak ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

Sa pamamagitan ng ‘blockchain technology’ ay magkakaroon ng ‘access’ ang publiko kaugnay sa mga paggastos ng pamahalaan.

Kaya’t hinimok din maging ni Sen. Bam Aquino ang Kamara na aksyunan ang panukalang halos 11 buwan nang nakabinbin mula nang aprubahan sa Senado.