-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Department of Energy (DOE) ang pagbili at pag-imbak ng reserba ng krudo sa ibang bansa upang malampasan ang limitasyon sa storage capacity sa Pilipinas bilang paghahanda sa El Niño at patuloy na tensyon sa Middle East.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, sa halip na bumili agad ng mga produkto at gumastos ng malaking pondo, gagamit ang bansa ng “ticketing system” kung saan nagbabayad lamang ng reservation fee na aabot sa 50 milyong piso.

Paliwanag ni Garin, sa pamamagitan ng sistemang ito na may bayad depende sa volume bawat bariles kada taon, magkakaroon ang bansa ng pagkakataong ipadala ang petroleum stocks sa Pilipinas anumang oras kapag kinakailangan.

Kaugnay nito, pinaplano rin ang pagpapatupad ng iba pang hakbang sa sektor ng enerhiya, kabilang ang paglalagay ng mga power barges bilang pinakamura ngunit pinakamabisang paraan para sa mabilis na akses sa kuryente sakaling magkaroon ng aberya.

Patuloy namang isinasagawa ang mga simulation sa Visayas kasama ang National Grid Corporation of the Philippines at mga kooperatiba upang masuri ang magiging epekto nito sa presyo bago tuluyang aprubahan.

Samantala, sa usapin naman ng mga produktong petrolyo, inaasahan ang bawas-presyo sa maximum at premium rates ng gasolina kasama na ang pagbaba ng freight charges na lalong nagpatatag sa adjustment upang masigurong hindi ito agad mabawi.

Ayon kay Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, bagama’t may bahagyang nabawi dahil sa pagtaas ng exchange rate o palitan ng piso, hindi pa rin naging ganoon kalaki ang naging epekto nito sa kabuuang halaga.