Ikinabahala ng ilang pederasyon ng mga magsasaka ang pinakabagong datos ng pag-aangkat ng bigas ng bansa mula sa mga pangunahing pinagkukunan nito gaya ng Vietnam, Thailand, at Myanmar. Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), umabot na sa 4.07 milyong metriko tonelada (MT) ang naangkat na bigas sa gitna ng banta ng matinding El Niño.
Mas mataas ito nang 20.06% kumpara sa 3.39 milyong metriko toneladang naitala noong nakaraang taon.
Ayon kay Leonardo Montemayor, chairman ng Federation of Free Farmers, ang patuloy na pagpasok ng mga imported na bigas ay nagdudulot ng matinding “downward pressure” o pababang pwersa sa presyo ng palay ng mga lokal na magsasaka.
Paliwanag ni Montemayor, habang dumarami ang imported na bigas ay mas lalong bumababa ang presyo ng palay. Kapag nagpatuloy aniya ito, marami sa mga magsasaka ang mawawalan ng interes o kakayahang magtanim muli para sa susunod na anihan.
Dagdag pa niya, lalo pang hihina ang produksyon ng palay dahil sa epekto ng El Niño habang papalapit ang susunod na panahon ng anihan sa Marso ng susunod na taon.
Binigyang-diin din ni Montemayor na may mga salik sa pandaigdigang pamilihan na maaaring magpatuloy hanggang sa susunod na taon. Dahil ang mga tradisyunal na pinagkukunan ng bigas tulad ng Vietnam, Thailand, at Myanmar ay maaari ring magbawas ng kanilang export para unahin ang sarili nilang populasyon, posibleng maging mahirap at magmahal ang pag-aangkat ng bigas sa hinaharap.
Isang malaking hamon ito ngayon sa pamahalaan at sa mga mamamayang Pilipino na umaasa sa suplay ng bigas, lokal man o imported.
Para matiyak ang food security at sapat na produksyon sa agrikultura, iminungkahi ni Montemayor ang pagpapatupad ng mga agarang hakbang sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Kabilang dito ang pagbuo ng komprehensibong inventory ng mga mapagkukunan ng tubig para sa irigasyon. Aniya, malaking tulong ang pagpapakabit ng solar-powered irrigation systems sa halip na umasa sa mga diesel-powered pumps upang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka.
.















