Nakauwi na sa Pilipinas ang unang batch ng 34 overseas Filipino workers (OFWs) mula Saudi Arabia matapos matulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) na maisaayos ang kanilang biyahe kasunod ng mga kanselasyon at pagkaantala ng flights sa Riyadh.
Dumating ang mga manggagawang Pilipino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Lunes, Oktubre 19, sakay ng Qatar Airways flight QR934 mula Doha.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne M. Caunan, mahalagang matiyak na mabilis at maayos ang pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW, gayundin ang pagbibigay ng malinaw na impormasyon sa kanilang mga pamilyang naghihintay sa kanilang pag-uwi.
Samantala, inaasahang darating sa Martes, Oktubre 20, ang 65 pang OFW. Kabilang dito ang 50 manggagawa mula Al Qassim at 15 kababaihang nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga na bibiyahe mula Dammam.
Isinasagawa ang pagpapauwi alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa ilalim ng Saving Lives pillar ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program.
Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, kasama ang Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Riyadh, upang maisaayos ang mga susunod na biyahe at matulungan ang iba pang OFW na naghihintay na makabalik sa bansa.
















