-- Advertisements --

Naging matagumpay ang pagtatapos ng Bacolod MassKara Festival 2026 noong Linggo, Oktubre 18, 2026, matapos ang higit dalawang linggong selebrasyon na nagsimula noong Oktubre 1.

Pinalutang sa huling tatlong araw ng kapistahan ang Electric MassKara pati na rin ang Street Dance and Arena Competition para sa kategorya ng mga paaralan at barangay.

Sa kaniyang mensahe, ipinaalala ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya na ang selebrasyon ay simbolo ng katatagan at pag-asa ng mga Bacolodnon sa kabila ng mga dumaang krisis sa kasaysayan.

Pinarangalan naman bilang kampeon sa Barangay Category ang Barangay Taculing na nag-uwi ng P1 milyong cash prize matapos ang 16 na taong paghihintay para sa panibagong titulo.

Inihayag ni Punong Barangay Lady Gles Gonzales-Pallen na umabot sa humigit-kumulang P3 milyon ang kanilang ginastos sa paghahanda na nanggaling sa subsidyo ng lungsod, pondo ng barangay, at tulong mula sa mga pribadong sponsor.