-- Advertisements --

Nagtala ng panibagong pag-aalboroto ang bulkang Taal matapos makapagtala ng dalawang magkasunod na phreatic eruption at pagdami ng volcanic earthquake sa loob ng 24 oras, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Lunes, Oktubre 19, 2026.

Sa inilabas na bulletin ng PHIVOLCS, ang mga steam-driven eruption o lokal na tinatawag na “pusngat” ay naganap noong gabi ng Linggo, Oktubre 18, dakong alas-7:31 at alas-7:36 kung saan naglabas ito ng usok na umabot sa 300 metro ang taas sa ibabaw ng main crater lake.

Bukod sa dalawang minutong paglitaw ng mga phreatic eruption, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng 43 volcanic earthquakes, ang pinakamataas na naitala sa loob ng isang araw ngayong buwan, pati na rin ang 10 na serye ng volcanic tremor na tumagal ng hanggang apat na minuto.

Sa kabila ng mga naitalang pagyanig at pagbuga ng usok, mananatili sa Alert Level 1 ang bulkang Taal na nangangahulugang ito ay nasa mababang antas ng unrest, ngunit nagbabala ang mga awtoridad na mananatili pa rin ang banta ng mga biglaang pagsabog.

Muling ipinaalala ng PHIVOLCS na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, ang paglalayag sa Taal Lake, at ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.