-- Advertisements --

Niyanig ng magnitude 4.8 na lindol ang lalawigan ng Occidental Mindoro at iba pang bahagi ng Southern Tagalog kanina.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang sentro ng pagyanig sa layong 23 kilometro timog-kanluran ng Mamburao, Occidental Mindoro dakong alas-9:34 ng umaga.

May lalim na 28 kilometro ang naturang lindol na tectonic ang pinagmulan.

Naramdaman ang Intensity III sa Lubang, Occidental Mindoro at sa lungsod ng Lipa sa Batangas.

Naitala rin ng mga instrumental station ng PHIVOLCS ang Intensity IV sa Mamburao at Sablayan habang naramdaman naman ang mas mahihinang pagyanig sa Oriental Mindoro, Marinduque, at iba pang bahagi ng Batangas.

Wala namang inaasahang malaking pinsala o mga kasunod na aftershock kasunod ng nasabing pagyanig batay sa pormal na abiso ng mga awtoridad.