Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang bond requirement na kailangang ibigay ng mga marino bago nila makuha ang mga pinagtatalunang kabayaran sa kanilang usapin sa paggawa.
Ayon kay Hontiveros, hindi makatarungang hingan pa ng karagdagang pera ang mga marino na nakakuha na ng paborableng desisyon mula sa korte para lamang maipatupad ang kanilang karampatang kabayaran habang may nakabinbing apela.
Sinabi ng senador na mas mahirap itong tugunan para sa mga marino na kapos na sa pera at nangangailangan pa ng pambili ng gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ibinahagi rin ni Hontiveros na una na niyang tinutulan ang naturang probisyon noong pinag-uusapan pa lamang sa Senado ang Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers.
Bumoto rin siya laban sa ratipikasyon ng bicameral conference committee report dahil naniniwala siyang hindi patas ang bond requirement at maaari itong lumabag sa Konstitusyon.
Sa desisyong inilabas noong Nobyembre 16, idineklara ng Supreme Court En Banc na labag sa Konstitusyon ang Section 59 ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sa ilalim ng probisyong ito, kailangang maglagak muna ng bond ang mga marino bago maipatupad ang mga pinagtatalunang kabayaran at danyos na ipinagkaloob sa kanila habang dinidinig pa ang apela o judicial review.
Para sa Korte Suprema, nagiging dagdag na pasanin ito sa mga marino na nakakuha na ng paborableng desisyon sa kanilang usapin. Hindi rin umano patas na ipataw sa kanila ang ganitong kondisyon gayong hindi ito hinihingi sa ibang manggagawa.
Nagpasalamat naman si Hontiveros sa mga marino at iba pang sektor na nagsulong ng pagtutol sa bond requirement hanggang sa Korte Suprema.
Tiniyak din ng senador na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga marino at iba pang manggagawang Pilipino.














