Naisampa na sa piskalya ang reklamo laban sa natukoy na gunman at dalawa nitong hindi pa nakikilalang kasabwat kaugnay ng pagpatay kay Judge Joseph M. Wee Sit ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 sa Isabela City, Basilan.
Ito ang kinumpirma ng Supreme Court (SC) sa inilabas nitong pahayag ngayong Lunes, Nobyembre 16, kasunod ng pamamaril at pagpatay sa hukom sa Zamboanga City noong Nobyembre 12.
Ayon sa Korte Suprema, kinumpirma rin ng mga awtoridad na may nakabinbing warrant of arrest laban sa natukoy na gunman na inilabas mismo ni Judge Wee Sit.
Bumuo na rin ang Philippine National Police (PNP) ng Special Investigation Task Group na tututok sa imbestigasyon at paghahanap sa iba pang responsable sa krimen.
Samantala, agad na nagtungo sa Zamboanga City ang mga tauhan ng Office of the Judiciary Marshals (OJM) matapos ang insidente upang mangalap ng impormasyon at makipag-ugnayan sa pulisya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang OJM sa mga awtoridad para sa seguridad ng pamilya ng nasawing hukom at pagpapalakas ng seguridad sa korte kung saan siya nakatalaga sa Isabela City.
Inatasan na rin ang mga Deputy Marshal sa iba’t ibang lugar na suriin ang kondisyon ng seguridad sa kanilang nasasakupan at agad iulat ang anumang banta upang makapagsagawa ng kaukulang hakbang.
Binigyang-diin naman ng Supreme Court na hindi lamang isang miyembro ng hudikatura ang inatake umano sa pagpatay kay Judge Wee Sit, kundi maging ang kalayaan ng hudikatura at ang paghahari ng batas.
Tiniyak ng Korte Suprema na patuloy itong makikipagtulungan sa mga law enforcement agencies upang matukoy at mapanagot ang lahat ng sangkot sa krimen, kabilang ang mga nagplano at tumulong sa pagsasagawa nito.















