-- Advertisements --

Nanawagan si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance at igalang ang karapatan ng mga Pilipino sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag.

Kasunod ito ng pag-aresto sa tinatayang 300 rallyists sa Metro Manila noong Linggo, Nobyembre 15, habang nagsasagawa ng mga kilos-protesta kaugnay ng inaasahang pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit, sa Pax Silica initiative at iba pang pambansang isyu.

Kabilang sa mga inaresto ng mga pulis sa Muntinlupa at Maynila ang mga magsasaka, at estudyante.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Diokno na mahalagang mapanatili ang kaayusan ngunit hindi dapat isantabi ang karapatan ng bawat mamamayan.

Binigyang-diin ng mambabatas na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang karapatan ng mga Pilipino sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon.

Aniya, ang kalayaan ng mamamayan na pumuna at manawagan ng pagbabago ay patunay na buhay ang demokrasya sa bansa.

Dahil dito, hinimok niya ang kapulisan na pairalin ang pagpipigil at paggalang sa pagharap sa mga nagpoprotesta, at tiyaking napangangalagaan ang kanilang karapatang maipahayag ang kanilang mga saloobin.