Umabot na sa P435-milyon ang kabuuang pondo at tulong na ipinamahagi ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa mga magsasaka at manggagawang sinalanta ng red-striped soft scale insect (RSSI) infestation.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luiz Azcona, nakatanggap ang bawat apektadong manggagawa at magsasaka ng tig-P10,000 na tulong pinansyal.
Katuwang ang Department of Agriculture, naglaan din ang ahensya ng P35-milyon para sa mga lokal na pamahalaan upang ipambili ng mga pamatay-peste at biological control agents.
Nilalayon ng mga pondong ito na direktang matulungan ang sektor ng agrikultura na puksain ang mga peste na sumisira sa mga pananim na tubo sa bansa.
Ayon pa sa SRA, malaki ang naging tulong ng mga hakbang na ito upang mapanatili ang maayos na takbo at presyuhan ng asukal sa merkado.















