-- Advertisements --

Pormal nang sinimulan ng National Dairy Authority (NDA) ang kauna-unahang Private Sector-Funded Milk Feeding Program sa Malitlit Elementary School upang magbigay ng libreng sariwang lokal na gatas sa mga mag-aaral.

Ayon sa ahensya, layunin ng programa na mag-abot ng araw-araw na suplay ng sariwang gatas para sa kabuuang 504 na mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 upang mapabuti ang kanilang nutrisyon at kalusugan.

Personal na dumalo at nagpahayag ng suporta sa proyekto si Santa Rosa City Mayor Arlene B. Arcillas, kasama ang iba pang mga opisyal mula sa NDA at Department of Education (DepEd).

Ipinagmalaki ng NDA na ang proyektong ito ay nagpapakita ng mahalagang pakikipagtulungan ng pribadong sektor upang suportahan ang mga hakbangin ng pamahalaan para sa nutrisyon ng kabataan.

Binigyang-diin ng ahensya na ang ganitong mga inisyatiba ay patunay ng epektibong ugnayan sa pagitan ng gobyerno at mga pribadong kumpanya upang isulong ang kapakanan ng mga batang Pilipino.

Bukod sa kalusugan ng mga mag-aaral, layunin din ng programa ng NDA na patuloy na palakasin at suportahan ang pagpapaunlad ng lokal na industriya ng pagawaan ng gatas sa bansa.