-- Advertisements --

Naniniwala ang isang constitutional law expert na lumalabag umano sa Konstitusyon ang pagkakaroon ni Vice President Sara Duterte ng posisyon at interes sa isang korporasyon habang nanunungkulan bilang Bise Presidente.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa na malinaw na ipinagbabawal ng 1987 Constitution sa Bise Presidente ang pagkakaroon ng direkta o hindi direktang interes sa anumang negosyo.

Paliwanag ni Cayosa, kailangang ituon ng isang opisyal na may mataas na posisyon sa gobyerno ang kaniyang atensyon sa mga tungkulin nito at maiwasang magamit ang posisyon para sa pansariling interes.

Matatandaang sa pagpapatuloy ng impeachment trial, kinumpirma ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng Metro City Chow at GenCorp Industries at isa sa tumayong testigo ng depensa, ang pagkakabilang ni Duterte sa Board of Directors at Compensation Committee ng Metro City Chow.

Maaalalang naging usapin din sa pagdinig ang tinawag ni Punay na “loose investment” ni Duterte sa isang sangay na pinatakbo ng kumpayang GenCorp.

Sa naturang investment iniuugnay ang mahigit P2.1 milyong pisong natanggap umano ng Bise Presidente bilang return of capital.

Ngunit sinabi ni Cayosa na walang kinikilalang terminong “loose investment” sa batas o accounting, at kinuwestiyon ang paliwanag ng testigo hinggil dito.

Dagdag pa ng law expert, dapat ding maipaliwanag kung paano umabot sa mahigit P2.1 milyong piso ang ibinalik na kapital kung mahigit P48,000 pesos lamang umano ang sinasabing orihinal na investment.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan inilalahad na ng kampo ng Bise Presidente ang kanilang panig bilang bahagi ng paglilitis, kaugnay sa natitirang article 2 of impeachment complaint o ang hindi maipaliwanag na yaman ng Pangalawang Pangulo.