Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa mga foreign law enforcement agencies upang matukoy ang kinaroroonan at mailigtas ang tinatayang 900 hanggang 1,500 Pilipinong umano’y na-trap sa mga scam hub sa Myanmar.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon at beripikasyon sa mga ulat, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Nag-ugat ang hakbang ng PNP sa pahayag ni dating Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) official Winston Casio, na nagsabing tinatayang 900 hanggang 1,500 Pilipinong manggagawa ang posibleng nananatiling nakakulong sa mga scam hub sa Myanmar.
Ayon kay Casio, pito sa mga Pilipinong nakipag-ugnayan sa kanya ang umano’y binugbog matapos tangkaing tumakas. Iniulat din niyang hinihingan umano ng ransom ang mga biktima kapalit ng kanilang paglaya.
Hinimok naman ni Casio ang pamahalaan na isama sa mga talakayan sa nalalapit na ASEAN Summit ang kalagayan ng mga Pilipinong umano’y biktima ng human trafficking at sapilitang pagtatrabaho sa mga scam hub.
Iminungkahi rin niya ang pagbuo ng isang special task force na tututok sa paghahanap, pagsagip, at pagpapauwi sa mga Pilipinong apektado ng naturang operasyon.














