-- Advertisements --

Pasado na bilang batas ang parusang kamatayan para sa cyberscam sa Myanmar.

Kinumpirma ni Union Parliament Speaker Aung Lin Dwe na naipasa ang “Anti-Online Scam Bill” matapos aprubahan ng parliyamento ang mga pagbabago sa draft bill sa pagpupulong ng mababa at mataas na kapulungan nitong umaga ng Martes, Hulyo 28 sa kabisera ng Naypyidaw.

Ayon kay Lower house MP Aye Chan, hindi ganoon karami ang binago sa draft bill matapos ang naging pag-uusap ng dalawang kapulungan at nananatiling pareho ang mahahalagang parte ng panukala.

Base sa inilathalang draft legislation noong Mayo, papatawan ng sampung taon hanggang sa habambuhay na pagkakakulong gayundin ng parusang kamatayan, ang mga sangkot sa karahasan, torture, unlawful arrest at detention o malupit na pagtrato sa mga indibidwal para puwersahing magtrabaho sa mga online scam center.

May habambuhay na pagkapiit o life imprisonment din para sa mga nagpapatakbo ng online scam centers o gumagawa ng crypto scam.

Sakali man na humantong ang ganitong paglabag sa kamatayan, dapat na ipataw ang death penalty.

Ginawa ang naturang hakbang sa gitna ng talamak na internet fraud factories sa war-torn country, target ang web users sa buong mundo sa pamamagitan ng romance at cryptocurrency investment cons.

Ang anti-scam law ay kauna-unahang batas na naipasa ng bagong gobyerno ng Myanmar, na pinamumunuan ni dating junta chief Min Aung Hlaing.