-- Advertisements --

Arestado ang tatlong indibidwal sa isang operasyon ng pulisya dahil sa umano’y ilegal na pag-iingat ng mga baril sa Barangay Pababag, Bongao, Tawi-Tawi, noong Nobyembre 7, 2026.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Tuyong,” “Tayson,” at “Raymart,” pawang nasa hustong gulang.

Ayon sa Tawi-Tawi Police Provincial Office, nagsimula ang operasyon matapos magsampa ng reklamo si ASN Rehan A. Jaid, miyembro ng Philippine Coast Guard na nakatalaga sa Tawi-Tawi, kaugnay ng nawawala niyang Glock 19 pistol na umano’y naibenta kay alyas “Tuyong.”

Nasamsam sa operasyon ang anim na baril na binubuo ng dalawang M16 rifles, tatlong M14 rifles, at isang 9mm Glock 19 pistol. Narekober din ang iba’t ibang magazine na may kabuuang 256 na bala, kasama ang dalawang army-green bandolier.

Nahaharap ang mga naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Nasa kustodiya na sila ng pulisya kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.