Umaabot sa 20 baril na nakarehistro kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang boluntaryong isinuko sa Philippine National Police (PNP) sa Davao City matapos bawiin ang kanyang lisensya at rehistro ng baril.
Ang mga baril ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Civil Security Unit 11 para sa safekeeping.
Ayon sa PNP, ang pagbawi ng lisensya ay alinsunod sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nagbabawal sa sinumang may kasong kriminal na may parusang higit sa dalawang taon na magmay-ari ng baril.
Batay sa tala ng PNP-Firearms and Explosives Office (FEO), si Dela Rosa ay may hawak na Type 5 License to Own and Possess Firearms (LTOPF) na nagbibigay-daan sa pagmamay-ari ng higit sa 15 baril.
Sa kabuuan, 117 baril ang nakarehistro sa kanyang pangalan at lahat ng ito ay ipinag-utos na isuko.
Ang revocation order ay inilabas noong Mayo 26, 2026, kasunod ng direktiba ng Department of Justice na ipatupad ang International Criminal Court (ICC) arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na nag-ugat sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Si Dela Rosa, na nagsilbing PNP Chief mula 2016 hanggang 2018, ay isa sa mga pangunahing personalidad na iniuugnay sa libu-libong pagkamatay sa war on drugs.
Sa kabila ng revocation, tiniyak ng PNP na ang mga isinukong baril ay mananatili sa kanilang kustodiya para sa tamang disposisyon.
Patuloy namang binabantayan ng mga otoridad ang sitwasyon upang matiyak ang pagsunod sa batas at mapanatili ang kaayusan sa gitna ng mga kasong kinakaharap ng senador.
















