-- Advertisements --

Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na maisama ang pitong karagdagang insidente sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang inalis naman ang isang insidente dahil lumagpas ito sa panahong saklaw ng opisyal na sakdal.

Sa desisyong inilabas noong Oktubre 9, ibinasura ng Chamber ang mosyon ng depensa na pagrepasuhin muli ang dokumento ng mga sakdal, sa paggigiit na sapat na ang mga pormal na naisumiteng pormat upang maayos na maihanda ng dating Pangulo ang kaniyang legal na depensa.

Kabilang sa mga binigyang-pahintulot na insidente ang umano’y pagpatay sa mga itinuturing na high-value target at mga paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng mga baranggay clearance operations noong panahon ng War on Drugs.

Gayunman, ipinag-utos na alisin sa kaso ang Incident 57 matapos makitang lumampas ito sa saklaw ng Count 2 ng habla, na nakatuon lamang sa mga umanoy krimeng naitala mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.

Inatasan ng ICC Chamber ang panel ng prosekusyon na isaayos at i-update ang kaniyang listahan ng mga testigo, pormal na ebidensya, at trial brief bago o sa darating na Oktubre 16 habang nilinaw na ang hakbang na ito ay para lamang sa teknikal na saklaw ng sakdal at hindi pa pinal na hatol sa sala o kawalang-sala ng dating presidente.