Ikinatuwa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang tila paghupa ng palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at China, ngunit iginiit niyang hindi nito mababago ang posisyon ng bansa sa mga inaangking teritoryo.
Binigyang-diin ni Teodoro na nananatiling matatag ang paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), Kalayaan Island Group (KIG), at Batanes sa kabila ng panawagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa hinahon.
Ayon sa kalihim, magandang bagay ang pagkabawas ng mga hindi magagandang pahayag sa ere, bagama’t nilinaw niyang hindi nagmula sa panig ng Pilipinas ang mga ito.
“Well, you know, less garbage in the airways is a good thing. Pero definitely, yung garbage hindi galing sa atin,” pahayag ni Sec. Teodoro.
Muling inihayag ni Teodoro na pag-aari ng Pilipinas ang WPS, KIG, at Batanes, kaya imposibleng magbago ang katotohanang ito.
Ang naturang statement ng Defense chief ay kasunod ng mga hakbang upang pakalmahin ang sitwasyon matapos ang mga diplomatic engagement tulad ng katatapos lamang na ASEAN Summit.
Samantala, tuloy naman ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa mga like-minded nations o partners para sa pagpapaunlad ng depensa at kalakalan.














