Patay ang isang 55 taong gulang na lalaki matapos malaglag mula sa ikaapat na palapag ng isang gusali ang minamaneho nitong sasakyan nitong Huwebes ng hapon sa Makati City.
Batay sa paunang imbestigasyon, pababa sa driveway mula sa ikalimang palapag patungong ikaapat na palapag ng parking area ang sedan na minamaneho ng biktima bandang alas-11:46 ng umaga.
Habang binabagtas ang off-ramp ng ikalimang palapag, sumalpok ang kaliwang bahagi ng sasakyan sa pader ng gusali, dahilan upang mawalan ito ng kontrol.
Sunod itong bumangga sa isang bollard bago ito tuluyang dumiretso at mahulog mula sa gusali.
Bumagsak nang nakabaligtad sa kahabaan ng Jimenez Street ang sasakyan ng biktima.
Pagkukumpirma ni Makati City Police Chief PCol. Pedro Alagano Jr, nasawi sa loob ng sasakyan ang biktima dahil sa mga tinamong pinsala nito mula sa pagkahulog.
Rumesponde naman sa lugar ang rescue personnel ng Makati upang ilikas ang katawan ng biktima mula sa sasakyan.
Patuloy rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi at sirkumstansya ng insidente.














