-- Advertisements --

Arestado ang tatlong Japanese national at isang Pilipina sa Malate, Maynila dahil sa umano’y modus nilang pag-aayos ng kasal sa pagitan ng mga lalaking Hapones at mga babaeng Pilipino kapalit ng pangakong mas pinabilis at pinadaling pagkuha ng trabaho sa Japan.

Inaresto ang mga suspek bandang alas-11 ng gabi nitong Sadabo, Nobyembre 26, sa operasyong ikinasa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kung saan nahuli pa ito sa akto ng kasal ng isang lalaking Japanese national at isang Pinay.

Ayon sa PNP-CIDG nitong Huwebes, Nobyembre 26, sumunod ang naturang operasyon matapos makatanggap ang mga awtoridad ng isang reklamo mula sa isang Pinay na ikinasal sa isang Hapon.

Paglalahad nito, pinangakuan siya ng mga suspek ng trabaho sa Japan kapalit ng pagpapakasal nito, subalit aniya’y hindi naman siya dinala sa naturang bansa.

Napag-alaman din nito na nag-aayos na naman ng panibagong kasal ang mga suspek — kung kaya’t nagpasya siyang isumbong ang modus sa awtoridad.

Kinundena naman ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II ang anumang pananamamantala laban sa mga Pilipino at binanggit na nagiging daan aniya ang mga naturang modus na ilagay sa panganib ng pang-aabuso, pagsasamantala, prostitusyon, at karahasan ang mga Pilipino.

“State prevents the exploitation of Filipinos, and protects them from unlawful practices, businesses, and schemes which offer Filipinos for marriage to unscrupulous foreign nationals,” saad nito.

Nagbabala rin ang CIDG laban sa mga nasabing modus at iginiit na hindi nila hahayaang maging kuta ng mga sindikato ang bansa.

Samantala, maaari namang maharap ang mga nasasakdal sa reklamong paglaba sa Republic Act No. 10906 o ang Anti-Mail Order Spouse Act.