-- Advertisements --

Arestado ang 51 taong gulang barangay kagawad sa Infanta, Quezon nitong Sabado, Nobyembre 21, matapos makumpiska sa kaniya ang apat na hindi lisensyadong armas.

Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 4A at Infanta Municipal Police Station, sa Brgy. Ingas ang kasalukuyan nitong nanunungkulan na barangay kagawad matapos hainan ito ng Search Warrant sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Dito nasamsam ng pulisya ang apat na armas — isang kalibre 5.56 na rifle, submachine gun, kalibre 30 carbine, at kalibre 9mm na pistol. Kasama rin sa narekober ang ilang mga suppressor, sari-saring magazines, at bala.

Napag-alaman ding walang kaukulang dokumento o lisensya ang mga naturang armas ng barangay kagawad. Hindi rin ito rehistrado sa ilalim ng Firearms and Explosice Office ng PNP.

Samantala, pinaalalahanan naman ng CIDG ang mga batas na umiiral laban sa loose firearms. Tiniyak din nitong mas paiigtingin ng kanilang hanay ang pagsugpo sa mga gumagamit ng armas nang walang kaukulang permiso, alinsunod sa kampanya nito laban dito.